
Nagkaroon kami ng proyekto sa Pilipino na kung saan, gagawa ng blog ang mga grupo. Araw-araw, lahat kami ay hinihikayat na magsulat ng kahit ano. Mula sa mga jokes, nabasa, nabalitaan, naiisip, paglalahad ng opinyon. Lahat! Kahit ano.
Nakakatuwang isipin dahil, masaya pala ang magkaroon ng isang blog na maraming nagsusulat. Sampu kami sa grupo, at iba-iba ang iniisip namin. Kahit hindi ka na tumingin sa ibang mag blogs, makakabasa ka ng iba't ibang storya.
Isa pang nakikita kong kagandahan nito ay ang mga natuklasan ko na ang mga tahimik sa klase, kapag nagsulat ng mga tula, madadala ka sa kanilang mga salita. Akala ko dati, hindi mahilig magsulat ang mga estudyante. Subalit noong nagkaroon ng proyektong ganito, LAHAT pala ng mga estudyante ay may sari-sariling nais ipamungkahi.
Kung sana, ang proyektong ito ay nagtagal ng buong semester, mas marami kaming maibabahagi at maipapabasa. Mas matututo kami kung paano mag-sulat, kung paano magkwento at magkomento sa mga mensaheng ipinapahayag ng aming mga kagrupo.
Pinasasalamatan ko ang aming guro.
Siya ang isang guro na hindi nawawalan ng "pakulo". Tuwing sesyon ng Pilipino, natutuwa ako sapagkat alam kong mayroon kaming gagawing bago. Bagong laro, bagong hamon.
Mayroon kasi kaming apat na grupo sa isang klase. Nagkokompetensya makakuha ng puntos. Pataasan ng grado, pababaan (pinaka mataas sa mga mabababa ay 100 puntos, 75 sumunod...), pabilisan at syempre paglalaban ng mga ideya at strategy.
Ngayong magtatapos na ang semester, wala na kaming Pilipino. Nagpaalam na rin ang aming guro.
Subalit, sa mga klase na ibinahagi niya sa amin, lubos akong nagpapasalamat sapagkat napasaya niya ako, kahit unang araw ng linggo pa iyon (tuwing lunes).
Hindi lang mga leksyon sa eskwela ang tinuro niya, kundi kung paano kami makisama. Iba ang kinabibilangan kong grupo noong prelims. Nalipat ako noong midterms sapagkat nagkaroon ng "twist". Pipili kung sinong tao ang gustong ilipat. E nalipat ako. Ayaw ko ng mga bago kong ka-grupo. Ngunit naisip ko na kung PALAGI kong sasabihin sa sarili ko na ayaw ko sila, walang mangyayari. Hindi ako makakapagtrabaho ng maigi.
Sa kabilang dako, sa isang grupo maliban sa pakikisama idagdag pa natin ang mag-isip kasama ang isang grupo. Kung paano namin inaabot ang mataas na grado upang hindi namin mapahiya ang grupo.
Mahalaga ang isang grupo.
Hindi ka mabubuhay, kung wala kang katulong sa buhay.
Darating ang araw na kailangan mong magtanong -- kahit ayaw mo :)
Hindi ka mabubuhay, kung wala kang katulong sa buhay.
Darating ang araw na kailangan mong magtanong -- kahit ayaw mo :)
Salamat G. Wilbert!
No comments:
Post a Comment